PNP, patuloy na mino-monitor ang mga rice hoarders 

Patuloy na mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang mga bodega ng mga pinaghihinalaang rice hoarders.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa gitna ng pagpapakalat sa merkado ng murang inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA).

Ayon sa PNP Chief, aktibong nakikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at NFA para matiyak na walang magsasamantala sa presyo ng bigas.

Magugunitang mismo ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbabala sa mga rice millers at dealers na ipasasalakay sa AFP at PNP ang kanilang mga kamalig, sakaling mapatunayang nagtatago sila ng kanilang suplay sa merkado para pataasin ang presyo nito.

Sinabi ni Albayalde, ang pagmamanman ng PNP sa mga pinaghihinalaang rice hoarders ay alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulo.  | ulat ni Leo Sarne