PNP, pag-iibayuhin ang kampanya laban sa jueteng sa pagbabalik ng STL


Pag-iibayuhin ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra illegal na sugal, partikular sa Jueteng ngayong pinahintulutan ng Pangulong Duterte na manumbalik ang operasyon ng STL o small town lottery.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac, matagal nang gawain ng mga illegal gambling operators na sumabay sa operasyon ng STL o di kaya’y magpanggap na STL.

Una na ring sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar na mahirap hulihin ang mga kubrador ng jueteng dahil ginagamit nila ang kanilang STL ID bilang pronta ng kanilang iligal na gawain.

Gayunpaman, tiniyak ni Banac na hindi mangingimi ang PNP na arestohin at kasuhan ang sinumang involved sa iligal na sugal.

Kasabay nito, sinabi ni Banac na mananatili pa rin ang kanilang “one strike policy” sa kampanya kontra iligal na sugal.

Sa ilalim ng one-strike policy, ang chief of police, precinct commander at station commander ay agad na sisibakin sa pwesto kapag namayagpag ang jueteng sa kanilang lugar.

At kapag tatlong chief of police ay nasibak sa isang probinsya dahil sa jueteng operations ay saka namang masisibak ang provincial director.