PNP, pabor sa Martial law extension sa Mindanao

Pabor ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay PNP Chief Police Director Genreal Oscar Albayalde, malaking tulong ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao, lalo pa’t may idaraos na plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Ang plebisito ay itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) sa ‪January 21, 2019‬.

Habang ang umiiral na Martial Law sa Mindanao ay magtatagal nalang hanggang ‪December 31‬ ng taong kasalukuyan.

Una nang sinabi ng Malacañang, na ang pagpapalawig ng Martial law sa Mindanao ay magiging depende sa rekomendasyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa panig naman ng AFP, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato noong nakaraaang linggo, na wala silang rekomendasyon sa ngayon ukol sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, kasabay ng pagsabi na tuloy-tuloy lang ang kanilang pag-rebyu sa umiiral na sitwasyon sa Mindanao. | ulat ni Leo Sarne