PNP OIC, pag-aaralan ang mga polisiya ng PNP

Pag-aaralan ng bagong Officer in Charge ng Philippine National Police (PNP), P/LtGen. Archie Gamboa ang mga umiiral na polisiya ng PNP na kailangang rebisahin.

Ayon kay Gamboa, nasubaybayan naman niya ang naging pagdinig ng Senado, at para sa kanya ay malinaw ang mensahe ng mga senador sa PNP na kailangang ayusin ang mga umiiral na polisiya lalo na sa pagpapatupad ng mga parusa.

Magugunitang sa pagdinig ng Senado, isa sa mga inusisa ay kung bakit matagal na hindi naipatupad ang dismissal order laban sa mga pulis na sangkot sa maanomalyang operasyon sa Mexico, Pampanga, nuong 2013.

Gayundin ay kung bakit pinatawan lamang ng demotion ang mga naturang pulis sa halip aniya na masibak ang mga ito sa tungkulin, kahit pa may malinaw na pagkakasala ang mga ito.

Ayon kay Gamboa, batid niya na may ilang mga butas ang sistemang umiiral sa PNP, na naobserbahan niya bilang dating pinuno ng Oversight Committee on Internal Cleansing.