PNP OIC Gamboa: “Walang dahilan para ipagdiwang ang ika-51 anibersaryo ng NPA”

“Walang dahilan para ipagdiwang ang ika-51 anibersaryo ng New People’s Army (NPA).”

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge P/Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa sa mapayapang pagtatapos kahapon ng sabayang mga indignation rally kontra sa CPP/NPA na isinagawa sa 74 na magkakahiwalay na lugar sa bansa, kabilang ang limang lugar sa Metro Manila.

Ayon kay Gamboa, walang naidulot ang CPP/NPA sa loob ng kanilang 51-taong pakikipaglaban kundi ang pagkamatay ng libo-libong mga Pilipino.

Aniya, ang pinakitang pagkakaisa ng sambayanan sa pagtalikod sa CPP/NPA o ang “whole of nation approach” para wakasan ang insurhensya ay mas may mabuti pang maidudulot sa kinabukasan ng bansa.

Malinaw naman aniya na walang interes sa kapayapaan ang CPP/NPA na pinatunayan ng kanilang ginawang pagpapasabog ng landmine sa mga pulis sa Iloilo, ilang oras lang makalipas na ideklara ng pamahalaan ang unilateral Christmas ceasefire.

Bukod sa naturang pag-atake sa mga pulis, isang sundalo at ilan pa ang sugatan sa dalawa pang magkahiwalay na pag-atake ng NPA sa Bicol at Quezon sa unang araw ng ceasefire.