PNP OIC Gamboa, umapela sa mga pulis na ‘wag magpa-apekto sa kontrobersya 

 

Umapela si Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Lt. Gen. Archie Gamboa sa kanyang mga kapwa pulis na huwag magpa-apekto sa kontrobersya at ituloy lang ang kanilang trabaho.

Matapos bumaba sa pwesto bilang PNP chief si PGen. Oscar Albayalde, sinabi ni Gamboa na ang pagpapalit ng liderato ay normal na pangyayari lang sa isang organisasyong tulad ng PNP.

Bagamat sinabi ni Gamboa na ang mga susunod na araw ay magiging isang “translation period” para sa PNP, hindi aniya ito dahilan para pansamantalang itigil ang normal na trabaho ng mga pulis na “to serve and protect”.

Binigyan-diin ni Gamboa na kahit pansamantala lang ang kanyang panunungkulan bilang OIC, nais niyang maging maayos ang takbo ng PNP hanggang sa makapili ang Pangulong Duterte ng permanenteng PNP chief.

Ayon kay Gamboa, binilinan sya ng Pangulong Duterte na ipagpatuloy ang mga kampanya ng PNP kontra droga, kriminalidad, at maging ang kampanya laban sa korapsyon.

Si Gamboa ay isa sa tinaguriang “Davao cops” at kaklase ni Albaylalde sa PMA Class of 1986.

Bilang isa sa pinaka “senior” na opisyal ng PNP, isa rin si Gamboa sa mga kandidato sa pagka-PNP chief.