PNP officials, sangkot sa ‘agaw bato’ modus

Kinumpirma ni dating PNP CIDG Chief Benjamin Magalong na ilang pulis ang sangkot sa pagre-recycle ng mga ilegal na droga na nakukumpiska nila sa mga anti-drug operations.

Sinabi ito ng retiradong heneral sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa isyu ng implementasyon ng GCTA law at iba pang anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor).

Tinawag ni Magalong na ‘agaw bato’ ang naturang modus kung saan tinatago at ginagamit ng mga pulis ang nasasabat nilang ilegal na droga para ibenta muli o iplanta sa ibang operasyon.

Matatandaang kamakailan lang ay binunyag rin ni PDEA Director General Aaron Aquino sa senado ang naturang modus.

Inamin rin ni Magalong, na ilang mataas na opisyal ng PNP, kabilang ang mga nasa serbisyo pa rin ngayon, ang sangkot sa ‘agaw bato’ modus.

Pinangalanan naman ito ng dating CIDG chief sa executive session kasama ang mga senador.

Sa ngayon, naniniwala si Magalong na bagama’t nangyayari pa rin ito ay posibleng hindi na ito kasing lala noong panahong nasa serbisyo pa siya.

Nagretiro sa serbisyo si Magalong noong December 2016 at sa kasalukuyan ay alkalde ng Baguio City.