PNP, nilinaw na commander ng Station 2 ng General Santos City ang sinibak kasunod ng pagsabog kahapon

Nilinaw ng pambansang pulisya na Station Commander at hindi ang Chief of Police ng General Santos City ang sinibak sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.

Ito ay matapos na ihayag ni PNP Chief Albayalde na sinibak ang mga hepe ng pulis sa General Santos at Midsayap, North Cotabato kasunod ng magkahiwalay na pagsabog sa mga lugar na ito kahapon.

Ayon kay PNP Spokesperson Ssupt Benigno Durana, ang tinutukoy ni Albayalde sa General Santos City ay ang commander ng station 2 ng General Santos Police Office na si PCI Patrich A. Elma, na pinalitan ni PSI Davis V Dulawan.

Samantala, ang hepe ng Midsayap Municipal Police Station sa North Cotabato na si Supt. Samuel Cadungon ay papalitan naman ni Police Supt. Joan Maganto.

Muling pinaalalahan naman ng PNP Chief ang lahat ng PNP Commanders na palaging maging alerto dahil anumang oras ay maaring mangyari ang pag-atake ng mga terorista.

Una rito ay itinuro ni Albayalde ang BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na pinaghihinalaang nasa likod ng dalawang magkasunod na pagsabog na kapwa nangyari kahapon, araw ng linggo. | ulat ni Leo Sarne