PNP, naka-full alert mula March 23 hanggang June 13 para sa Oplan SUMVAC

Naka-full alert ang PNP mula March 23 hanggang June 13 para sa Oplan SUMVAC 2018.

Ayon kay PNP Spokesman CSupt. John Bulalacao, hindi na ibababa ng PNP ang kanilang alert level na magsisimula ngayong Semana Santa hanggang sa pagbubukas ng klase para masiguro ang kaligtasan ng publiko na inaasahang magtutungo sa mga lalawigan para sa bakasyon.

Partikular aniyang tututukan ng PNP regional offices sa Region 7, Region 11 at Region 4B ang mga popular na resorts sa mga lugar na ito kalimitang dinadagsa ng mga turista.

Sa NCRPO naman ay nanatiling nakataas ang full alert status kahit na walang namonitor na anumang banta.

Ang PNP Highway Patrol group naman ay magpapakalat ng 1500 tauhan sa mga pangunahing kalsada na inaasahang dadagsain ng mga manlalakbay.

Todo bantay din ang PNP Maritime group sa mga daungan ng bansa, at ang PNP Aviation Security group sa mga paliparan hindi lang para alalayan ang mga manlalakbay, kundi para na rin mamonitor ang posibleng pagkilos ng mga terorista.

Maging ang PNP Health Service ay naka-monitor sa possibleng pagkalat ng mga karaniwang sakit ngayong summer vacation tulad ng:  heat stroke, dehydration, bungang araw, motion sickness (pagkahilo sa biyahe), food poisoning, at fungal infection (sore eyes).  | via Leo Sarne