PNP: Naipamahagi na ang P30M pabuya sa Batocabe murder case

Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na hindi nawawala ang P30 milyon pabuya na inialok para sa ikalulutas ng pagpatay kay AKO-Bicol Partylist Representative Raul Batocabe.

Ayon kay PNP Spokesperson P/BGen. Bernard Banac, ipinamahagi na ng PNP Intelligence Group at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG ) sa mga impormante at witness ang nasabing pabuya.

Tiniyak ni Banac, na lahat ng naipamahaging reward money ay accounted, at handang ilatag ng mga concerned unit ang lahat ng mga dokumento kung hihingin ito ng Kongreso.

Ang P20 milyon sa nasabing reward money ay mula sa Office of the President, habang P13 milyon naman ang mula sa kongreso, at P2 milyon ang mula sa Pamahalaang Lokal ng Albay.

Magugunitang mismong si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde ang tumanggap ng P13 milyon reward money sa isinagawang ceremonial turnover, subalit nilinaw ni Banac na ministerial lamang ang naging papel ng PNP Chief at wala siyang kamay sa pamamahagi nito.