PNP, nagtayo ng checkpoints sa palibot ng Maynila

Nagtayo ng security checkpoints ang Philippine National Police (PNP) papasok at palabas ng Maynila.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar, bahagi ito ng “security containment ring” na ipinatutupad sa palibot ng Maynila para masiguro ang seguridad ng Traslacion 2019.

Paliwanag ni Eleazar, ang Maynila ay napapalibutan ng pitong siyudad at ng Manila bay, at ang mga checkpoint ay bahagi ng perimeter security.

Ayon kay Eleazar, 7,200 personnel ng NCRPO ang nakatutok sa ruta ng Traslacion patungo sa Quiapo area.

Ang apat na police districts naman sa palibot ng Maynila ang tututok sa perimeter security, habang ang Philippine Coast Guard (PCG) naman aniya ang bahala sa pag-secure sa Manila bay.

Payo ng PNP sa mga motorista na magtutungo sa Maynila, huwag magdala ng kontrabando tulad ng baril, alak, droga o paputok para makaiwas sa abala. | ulat ni Leo Sarne