PNP, nagpaalala sa publiko na sumunod sa health protocols sa pagkuha ng National ID

Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang publiko na obserbahan ang Minimum Health Safety Standards sa pagpaparehistro para sa National ID System (Philsys).

Ang paalala ay ginawa ng PNP chief kasunod ng insidente sa isang mall sa San Jose Delmonte, Bulacan kung saan nagdagsaan ang mga nagparehistro kahit walang appointment.

Kumalat sa social media ang mga larawan ng insidente kung saan kapansin pansin na hindi nasunod ang physical distancing.

Ayon kay Eleazar, maganda ang layunin ng National ID, pero ang pagpaparehistro ay hindi dapat maging “super spreader event” para magkahawaan ng COVID-19 ang mga mamamayan.

Inatasan ni Eleazar ang mga local Police commanders na i-monitor ang mga Philsys registration sites upang masiguro na maiwasan ang mass-gathering at nasusunod ang physical distancing.