PNP medical reserve force, dineploy sa vaccination centers sa QC

Dineploy na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga Medical Reserve Force (MRF) para tumulong sa vaccination program ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, nakakalat na ang kanilang MRF sa iba’t ibang vaccination site sa Quezon City.

Kasama rito ang San Francisco High School, Project 6 Elementary School, at Masambong Elementary School.

Bukod sa pagtulong sa pag-administer ng bakuna, tutulong din ang kanilang mga tauhan na pigilan ang overcrowding at siguraduhin na nasusunod ang mga health protocol.

Ang MRF ay unang ginamit sa PNP-operated quarantine facilities tulad ng Ultra Stadium sa Pasig City at PICC Quarantine Center sa Pasay City.

Samantala, sinabi naman ni Eleazar na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) Medical and Dental Unit ay sumasailalim na rin sa reorientation sa pagbabakuna bilang paghahanda sa vaccination ng A4 priority group.