PNP: May makakasuhan kung may ‘foul play’ sa pagkamatay ng PMA cadet

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen Bernard Banac na kakasuhan ang sinumang sangkot sa pagkamatay ng isang kadete sa Philippine Military Academy (PMA) kung may ebidensya ng foul play.

Ayon kay Banac, ayaw pang magsagawa ng “hasty conclusion” ang PNP sa dahilan ng pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitoryo, nitong Miyerkules.

Pero kung may ebidensya na may krimen na nangyari, giit ni Banac, maglulunsad ng criminal proceedings ang PNP laban sa mga suspek na hiwalay sa prosesong itinatakda ng military justice system.

Unang iniulat ni P/BGen Ephraim Dickson, PRO-Cordillera Regional Director, na may tatlong persons of interest ang kasalukuyang sumasailalim sa custodial investigation ng pamunuan ng PMA.

Iniulat din ni Dickson, na base sa medico-legal findings, namatay si Dormitoryo sa cardiac arrest sanhi ng internal bleeding, at may mga pasa ito sa tiyan na maaring indikasyon na ito ay sinuntok o tinadyakan.

Ayon kay Banac, inatasan ng pamunuan ng PNP ang Crime Lab Baguio na bigyan ng technical support ang Baguio City Police sa kanilang imbestigasyon, sa pamamagitan ng forensic examination ng mga ebidensya at pagsasagawa ng autopsya sa biktima na may permiso ng pamilya.