PNP mananatiling “civilian in character” kahit gumamit ng military ranks — PNP Chief

Mananatili pa rin ang Philippine National Police bilang isang sibilyang ahensya kahit na palitan ng “military designations” ang ranggo ng mga pulis.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa matapos na makapasa sa ikalawang pagbasa sa Kongreso ang panukalang ibalik sa dating military ranks ang ranggo ng mga pulis.

Ayon sa PNP Chief, matagal na nilang gustong ibalik ang mga dating ranggong tulad ng heneral, koronel, major, kapitan, tinyente at iba pa, tulad ng ginagamit ng militar.

Paliwanag ni Dela Rosa, nakakalito lang ang kasalukuyang ginagamit na mga ranggong direktor, chief superintendent, senior superintendent, chief inspector, senior inspector at iba pa.

Maging si Pangulong Duterte aniya ay nalilito sa ranggo ng mga pulis sa haba ng panahon na siya ay naglingkod bilang mayor kaya siya mismo ang nagmungkahi na ibalik ang mga dating ranggo, ayon pa kay Dela Rosa.

Ang pagpapalit ng ranggo ng mga pulis ay nangyari nang buwagin ang dating Philippine Constabulary-Integrated National Police at palitan ito ng PNP.

Ayon sa PNP Chief, 27 taon ng sibilyan ang character ng PNP at hindi na magbabago ito kahit na palitan ang kanilang mga ranggo. | via Leo Sarne