PNP, mahigpit na ipatutupad ang utos ng Pangulo na manatiling apolitical sa darating na eleksyon

Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na manatiling apolitical sa darating na eleksyon.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana, ang katiyakan ay binigay ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa Pangulo matapos muling matalakay ito sa Command Conference sa Malacañang, kamakalawa.

Dito’y siniguro ni Albayalde sa Pangulo na mapaparusahan ang sinumang pulis na makikisawsaw sa politika.

Katunayan aniya, ang dahilan ng huling rigodon sa mga opisyal ng PNP ay para masiguro na hindi makakaimpluensya sa eleksyon ang mga pulis-opisyal na may mga kamag-anak na kandidato.

Dagdag ni Durana, inihayag din Albayalde sa Pangulo ang kahandaan ng PNP sa pagpapatupad ng seguridad sa darating na halalan at pangangalaga ng kaligtasan ng mga kandidato.  | ulat ni Leo Sarne