PNP magre-recruit ng mga bagong piloto para sa kanilang darating na 6 na bagong helicopter

Magre-recruit ang Philippine National Police ng 12 hanggang 15 bagong piloto para sa kanilang mga darating na bagong air-assets.

Ito ang inihayag ni Deputy Chief of Staff Police Deputy Director Gen. Francisco Archie Gamboa, matapos na i-deliver sa PNP ang una sa tatlong Bell 429 helicopters na binendisyunan kahapon sa Camp Crame.

Ang tatlong Bell 429 helicopters ay binili ng PNP sa halagang P435 milyong piso na nakalaan sa General Appropriations Act noong nakaraang taon.

Ayon kay Gamboa, bukod pa sa dalawang Bell 429 na darating sa July ng susunod na taon, bibili pa ang PNP ng dalawang single engine at dalawang trainer helicopters ngayong taon, na maaring next year na rin ang delivery.

Dahil aniya sa anim na bagong helicopters na darating ay kakailanganin ng PNP ng mga karagdagang piloto para sa kanilang Air Corps.

Aniya, hindi naman binuwag ang PNP Air Corps kahit na 2010 pa huling nag-operate ng helicopters ang PNP.

Magugunitang iginarahe ang mga Robinsons R-44 helicopters ng PNP matapos na masangkot sa kontrobersya ang mga umano’y segunda-manong choppers na binili sa presyo ng brand new. | via Leo Sarne