PNP, magpapatupad ng random inspections sa seguridad sa Simbang Gabi

Magsasagawa ng random inspections ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Commanding Group upang masiguro na ipinatutupad ng mga area commanders ang karampatang seguridad sa Simbang Gabi.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde matapos na ipag-utos ang pina-igting na police visibility at preventive patrol operations sa pagsisimula kahapon ng siyam na araw ng Simbang Gabi.

Sinabi ni Albayalde na inaasahan niya mismo ang mga field commanders na mag-iikot sa iba’t ibang simbahan sa kanilang area of responsibility.

Ipinag-utos din ng PNP chief sa mga regional directors na i-redeploy ang bulto ng kanilang mga tauhan sa pagpapatrolya sa mga lugar sa paligid ng mga simbahan.

Kailangan aniyang may mga nakapwestong mga mobile na malapit sa simbahan na naka-on ang mga blinker para ramdam ang presensya ng pulis.

Kasabay nito ang aktibong pagbabantay ng mga pulis sa mga common street crimes sa paligid ng mga simbahan.

Inatasan din ng PNP chief ang mga pulis na makipag-coordinate sa mga baranggay units upang magsilbing force multipliers ang mga tanod.  | ulat ni Leo Sarne