PNP, magdu-double time sa kampanya kontra droga para matamo ang 100 percent target – PNP chief

Magdu-double time ang Philippine National Police sa war on drugs para matamo ang 100 percent target bago magwakas ang panunungkulan ng Pangulo Rodrigo Duterte.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde kasabay ng pagsabi na commitment niya sa Pangulo at sa mamamayan na gawin ang lahat para tapusin ang problema ng iligal na droga sa bansa hanggang sa pagbaba niya sa pwesto bilang PNP chief.

Bagama’t inamin ni Albayalde na hindi masi-zero ang mga insidente ng paggamit at pagbenta ng droga, ang sukatan aniya ng tagumpay ng kampanya kontra droga ay ang pag-improve ng peace and order sa bansa.

Ayon sa PNP chief, mahirap i-quantify kung ilang porsyento na ng kanilang target ang na-accomplish ng PNP pero patunay na sila ay nagtatagumpay ay ang pagbaba ng crime rate.

Hindi lang aniya sa Metro Manila bumaba ang crime rate kundi sa buong bansa.

Noong nakaraang linggo iniulat ni NCRPO Director Camilo Pancratius Cascolan na ang average weekly crime rate sa NCR sa taong ito ay bumaba ng halos 30 porsyento kumpara sa nakalipas na taon. | ulat ni Leo Sarne