PNP, kampante na magiging maayos at mapayapa ang pagbisita ni Chinese Pres. Xi Jin Ping

Kampante ang Philippine National Police (PNP) na magiging maayos at mapayapa ang pagbisita ni Chinese President Xi Jin Ping ngayong araw na ito hanggang bukas.

Ayon kay PNP Spokesperson Benigno Durana, wala silang na-monitor na anumang posibleng banta sa pagbisita ng Chinese leader.

Sinabi ni Durana, supportado ng mahigit 5000 mga pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Presidential Security Group sa pagpapatupad ng seguridad sa panahon ng pagbisita.

Hindi naman aniya inaasahan ng PNP na magkakaroon ng problema sa mga protesters dahil sa gumagandang relasyon ng Pilipinas at China.

Gayunpaman, pinaalalahan ni Durana ang mga protesters na mahigpit na ipatutupad ang “No permit no rally” at “maximum tolerance” sa anumang pagkilos sa mga lansangan.  | ulat ni Leo Sarne