PNP, inatasan ni Eleazar na umalalay sa militar kasunod ng pagbagsak ng C-130 ng Air Force kahapon

Inatasan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR na umalalay sa search and retrieval operations ng militar sa Jolo, Sulu.

Kaugnay ito ng nangyaring pagbagsak ng C-130 plane ng Philippine Air Force sa Jolo, Sulu kahapon ng tanghali na ikinasawi ng 49 at ikinasugat ng 53 sundalo at sibilyan.

Sinabi ni Eleazar na bukod sa pagtulong sa militar, inatasan niya ang mga pulis na siguraduhin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa lugar na apektado ng insidente.

Ayon kay Gen. Eleazar, nakipag-ugnayan na rin siya sa kaniyang “mistah” na si AFP Chief Gen. Cirilito Sobejana para sa anumang agarang tulong na maaari nilang ibigay.

Kasunod nito, nagpaabot ng kaniyang pakikiramay si Eleazar sa mga pamilya ng kanilang mga kapatid sa Air Force na nasawi sa insidente.