PNP Human Rights Affairs Office, nagpagawa ng sariling CR para sa LGBT community

Bilang pagtataguyod sa karapatan ng LGBT o lesbian, gay, bisexual and transgender community, nagpagawa ang Philippine National Police (PNP) Human Rights Affairs Office ng sariling comfort room para sa mga miembro ng third sex.

Ayon kay PNP HRAO Chief, PBrig. Gen Dennis Siervo, siniguro nila na sa ginawang renovation ng kanilang tanggapan ay gender-sensitive ang kanilang mga comfort room.

Ngayon ay tatlo na ang kanilang mga CR, isang panlalaki, isang pambabae, at isa na may nakapaskil na “Gender-Sensitive Comfort Room, LGBT or guests.”

Bukod kasi aniya sa mga pulis at non-uniformed personnel, may mga sibilyan din kasi na gumagamit ng kanilang comfort rooms.

Layon aniya nito na maiwasan ang diskriminasyon at hindi mailang ang LGBT community sa paggamit ng palikuran na ekslusibong panlalaki at pambabae.

Hinimok naman ni Siervo ang lahat ng tanggapan ng gobyerno at maging mga pribadong establisimyento, na magtakda ng gender-sensitive rest rooms bilang pagkilala sa karapatan ng lahat, anuman ang kanilang kasarian.