PNP, hugas kamay sa pagpapalabas ng ‘narco list’ ng PDEA

Naghugas-kamay ang Philippine National Police (PNP) sa inilabas na listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mga barangay officials na umano’y involved sa iligal na droga.

Ito’y matapos na sabihin ni Senador Panfilo Lacson na “dumb and cruel” ang ginawa ng PDEA kasabay ng paggiit na base lang sa intelligence information ang naturang listahan.

Magugunitang una nang sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na suportado nila ang anumang desisyon ng PDEA kaugnay ng naturang listahan pero binigyang diin na kailangang masiguro na validated ang lahat ng pangalan na kasama sa listahan.

Sa press conference sa Camp Crame ngayong umaga, sinabi ng PNP chief na tanging ang Department of Interior and Local Government (DILG) at PDEA ang nagdesisyon na ilabas ang listahan at walang kinalaman ang PNP dito.

Pero nilinaw ni Albayalde na hindi nila kinokontra ang hakbang ng PDEA at katunayan ay handa silang suportahan ang PDEA sa pagsulong ng mga kaso laban sa mga nasa listahan.

Sa kanyang panig, sinabi ni Lacson na maaring mahirapan makabuo ng kaso laban sa mga naturang opisyal dahil nabigyan na sila ng “forwarning” sa paglabas ng listahan.

Maari aniyang sirain na ng mga ito ang lahat ng ebidensya na mag-uugnay sa kanila sa droga bago pa man maisampa ang kaso laban sa kanila. | via Leo Sarne