PNP, hindi na mag-iisyu ng permit sa paggawa ng paputok

Hindi na mag-iisyu ng bagong permit ang Philippine National Police (PNP) para sa paggawa ng paputok.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang regular Monday press conference.

Ayon kay Albayalde, ito ay bilang pagtalima ng PNP sa Memorandum Order 31 na inisyu ng Pangulo noong October 31.

Dito ay inatasan ng Pangulo ang PNP at ibang law enforcement agencies na istriktong ipatupad ang mga alituntunin patungkol sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng firecrackers at pyrotechnic devices.

Sinabi ni Albayalde, para naman dun sa mga existing manufacturers, ay mahigpit na minomonitor ng Firearms and Explosives Office ang compliance ng mga ito sa mga existing regulations.

Paliwanag ni PNP Chief, ang paglimita sa bilang ng mga firecracker manufacturers ay panimulang hakbang tungo sa posibleng total firecracker ban sa hinaharap. | ulat ni Leo Sarne