DILG, hinamon ang PDEA na pangalanan ang mga pulis na inaakusahang nagre-recycle ng droga

Hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangalanan ang mga pulis na sinasabi nilang involved sa pagre-recycle ng droga.

Sinabi ni Año sa isang press conference sa Camp Crame, na hindi makatuwiran sa mga matitinong pulis kung magiging masyadong general ang akusasyon ng PDEA, na hindi naman tinutukoy kung sino ang mga pulis na nagre-recycle umano ng droga.

Ito’y matapos na ibunyag ng PDEA sa Kongreso na may mga aktibong pulis na maituturing na mga ‘Ninja cops’ na ibinibenta uli ang mga mga nakukumpiskang droga.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na kung may hawak na impormasyon ang PDEA laban sa mga umano’y ‘Ninja cops’, maaari naman silang dumeretso sa PNP.

Hindi na aniya nila kinailangang isapubliko ang impormasyon, dahil para nilang tinimbrehan ang mga ‘Ninja cops’, at nakompromiso ang operasyon ng PNP laban sa mga ito.

Ayon kay Albayalde, walang tigil ang kanilang pagtugis sa mga ‘Ninja-cops’ at mula sa orihinal na mahigit 80 sa kanilang listahan, 22 na lang ngayon ang kanilang mino-monitor.