PNP, handang salakayin ang mga bodega ng mga rice hoarders

Handa ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng operasyon sa mga bodega ng mga rice hoarder.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson SSupt Benigno Durana matapos na magbanta ang Pangulo na ipapasalakay niya ang mga bodega ng mga negosyanteng kabilang sa rice cartel na nagtatago ng suplay ng bigas.

Pero nilinaw ni Durana na “supporting role” lang ang gagawin ng PNP sa mga ahensya ng gobyerno na responsable sa pagbabantay ng suplay ng bigas.

Paliwanag ni Durana, ang pagtugon sa problema sa suplay ng bigas ay hindi lang nakaatang sa PNP at kinakailangan ng “whole of government approach.”

Bilang bahagi ng enforcement arm ng gobyerno, nakahanda aniya ang PNP na suportahan ang anumang hakbang ng pamahalaan laban sa mga rice hoarder.

Sa ngayon aniya ay naghihintay lang sila ng pormal na direktiba kaugnay nito. | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: Philippine News Agency