PNP, handang ipatupad ang batas kung maipasa ang mga amiyenda sa Juvenile Justice Act

Handang ipatupad ng Philippine National Police (PNP) ang batas kung sakaling maipasa ang amiyenda sa Juvenile Justice Act.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana kaugnay ng pagkaka-apruba kahapon ng House Justice Committee sa Substitute Bill na magbababa sa edad ng “criminal responsibility” sa siyam na tanong gulang mula sa 15.

Ayon kay Durana, mula taong 2014 hanggang 2017, ilan sa mga kasong madalas kinasasangkutan ng mga kabataan ay ang pagnanakaw o theft, physical injuries, robbery at rape.

Habang sa unang walong buwan ng 2018, nangunguna ang mga kasong reckless imprudence resulting to damage of properties, theft, physical injury at illegal drugs.

Una nang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na pabor siya sa naturang pag-amiyenda dahil natuto ang mga kriminal na gamitin ang mga kabataan na hanggang 10 taong gulang sa pagtutulak ng droga dahil alam nilang hindi pwedeng panagutin ang mga ito sa kasalukuyang batas.

Dagdag pa ni Albayalde, dapat ding maparusahan ang mga magulang ng mga batang paulit-ulit na gumagawa ng krimen.  | ulat ni Leo Sarne