PNP, gagamit ng iPad para matukoy ang mga nakaw na sasakyan

I-isyuhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang kanilang mga patroller na naka-deploy sa EDSA ng iPad para mas madaling matukoy ang mga nakaw na sasakyan.

Ayon kay Police BGen. Eliseo Cruz, hepe ng HPG, sasamantalahin nila ang pagkaka-deploy ng karamihan sa kanilang tauhan sa EDSA para mabantayan ang mga carnap na sasakyan.

Sa pamamagitan aniya ng iPad, ay magkakaroon ng palagiang access sa kanilang database ng mga nakaw na sasakyan ang mga HPG patroller.

Kailangan lang aniyang i-type sa iPad ang plaka ng isang sasakyan at lalabas na ang lahat ng detalye sa records nila.

Magagamit aniya nila ito sa pag-spot ng mga sasakyan na gumagamit ng mga plaka na nakarehistro sa ibang sasakyan.

Paliwanag ni Cruz, sanay sa pag-spot ng mga carnap na sasakyan ang HPG dahil nag-training sila ukol dito, kaya kung may makita silang kahina-hinalang plaka ay mabeberipika agad nila ito sa kanilang iPad.

Samantala, nagbabala naman si Cruz sa kanyang mga tauhan na ngayon ay nagmamando ng daloy ng trapiko sa EDSA, na huwag masangkot sa pangongotong o anomang tukso sa kalsada.