PNP Deputy Director Ramon Apolinario, hinimok ang mga pulis na ipakita ang pagka-makabayan

Hinimok ni PNP Deputy Director General Ramon Apolinario ang mga pulis na ipakita ang kanilang pagka-makabayan sa pamamagitan ng pag-iwas sa katiwalian.

Ito ang mensahe ni Apolinario na siyang kumatawan kay PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa flagraising ceremony sa Camp Crame ngayong umaga kaugnay ng pagdiriwang ng ika-120 taon ng Araw ng Kalayaan.

Ipinaalala ni Apolinario sa mga pulis na ang pangunahing tungkulin ng Philippine National Police (PNP) ay ang pagsiserbisyo sa mamamayan na dapat ay lagi nilang isaisip bago ang pansariling interes.

Aniya ang pagiging malinis at tapat sa tungkulin ang pinakamabisang paraan para ipakita ang pagmamahal sa bayan.

Dagdag ni Apolinario, determinado ang PNP na itaguyod ang kapayapaan at kaunlaran sa buong bansa sa pamamagitan ng isang seryosong internal cleansing campaign.

Maagang sinimulan ang palatuntunan sa Camp Crame kaninang alas-7 kaysa sa unang inabiso na alas-8 ng umaga at inilipat sa multi-purpose center dahil sa masama ang panahon.

Pagkatapos ng palatuntunan, pinangunahan ni Apolinario ang pagpapakawala ng mga kalapati sa harap ng MPC bilang bahagi ng pagdiriwang ng PNP sa Camp Crame ng ika-120 taon ngĀ  Araw Ng Kalayaan na may temang, “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang Kinabukasan.” | ulat ni Leo Sarne