PNP Chief, walang nakikitang banta sa lokasyon ng POGO malapit sa mga kampo 

Walang nakikitang banta si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde sa mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators na nakapwesto malapit sa mga kampo ng pulis at militar.

Halos lahat ng mga ineempleyo sa mga POGO ay mga Chinese nationals, na una nang sinabi ng Department of National Defense ay maaring gamitin sa pang-eespiya sa hinaharap, na posibleng banta sa seguridad.

Pero ayon kay Albayalde, ang isyu ng seguridad ay maaring dahilan kung bakit pinili ng mga POGO na magtayo ng operasyon malapit sa mga kampo.

Paliwanag ni Albayalde, natural lang para sa mga dayuhan na mas gugustuhing malapit sila sa kampo ng pulis o militar para na rin sa kanilang kaligtasan.

Dagdag pa ng PNP chief, sa ngayon ay wala din namang na-monitor ang PNP na kahina-hinalang aktibidad sa mga POGO na maaaring indikasyon na banta sa seguridad ang mga ito.