PNP chief: Walang kinalaman sa “ninja cops” issue ang pagpull-out ng security ni Dir. Aquino

Nanindigan si PNP Chief Police General Oscar Albayalde na walang kinalaman ang pag-pull out ng Philippine National Police (PNP) ng security detail ni PDEA Director General Aaron Aquino sa pagbubunyag sa Senado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa mga “ninja cop”.

Ayon sa PNP chief, ipinaliwanag na ni Police Regional Office 3 (PRO 3) Director PBgen Joel Napoleon Coronel, na ang pag-pull out sa 15 security ni Aquino na pawang mga miyembro ng PRO 3 Regional Mobile Group ay dahil kailangan ng PRO 3 ang kanilang mga tauhan sa idaraos na Southeast Asian (SEA) games.

Hindi aniya niya alam kung nagkaroon ng “special accommodation”ang PRO 3 kay Aquino, na naging dating regional director ng PRO 3 kaya siya nabigyan ng 15 PNP escorts.

Pero nilinaw ng PNP chief, na labag ito sa “Alunan doctrine” na nagpapahintulot lang ng dalawang police escorts mula sa Police Security Protection Group o PSPG sa mga opisyal ng gobyerno.

Gayunpaman, sinabi ng PNP Chief dahil sa batid ng PNP na sensitibo ang posisyon ng pinuno ng PDEA, willing naman silang i-accommodate ang request ni Aquino na ibalik sa kanya ang kanyang PNP security personnel.

Pero kailangan din aniyang hingan ng komento ang regional director ng PRO 3, dahil mga tauhan niya ang ililipat sa Police Security Protection Group para mai-assign bilang security ni Aquino kung sakali.

Pansamantala rin aniyang nagtalaga na ang PNP ng 4 na police escorts kay Aquino, habang prinoproseso ang kanyang request na ibalik ang kanyang orihinal na security detail.