PNP Chief, umalma sa akusasyong hindi pursigido ang PNP sa pag-aresto kay Mrs. Imelda Marcos

Tahasang pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, na patumpik-tumpik sila sa pag-aresto kay dating First Lady Imelda Marcos.

Ito’y kung ikumpara ang tila walang aksyon ng PNP sa hatol ng Sandiganbayan kay Imelda, sa ginawa ng PNP na pagpoposte ng mga pulis sa Senado bilang paghahanda sa paglabas ng arrest warrant laban kay Sen. Antonio Trillanes.

Ayon sa PNP Chief, wala pa namang warrant of arrest laban kay Imelda Marcos, at kung meron mang ilabas ang Sandiganbayan ay agad itong ipatutupad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ayon kay PNP Chief Albayalde, kaparehong respeto ang kanilang ibinigay kay Trillanes at kay Mrs. Marcos.

Giit ni Albayalde, hindi harassment laban kay Trillanes ang ginawang pagbabantay ng CIDG arresting team sa labas ng Senado, kahit pa wala pang warrant of arrest laban sa senador.

Pre-emptive measure lang aniya ito ng PNP sakaling lumabas ang warrant of arrest laban kay Trillanes.

Sa kaso ni Mrs. Imelda Marcos, ay kinukunsidera din nila ang edad at ang kalusugan ng dating Unang Ginang na malabo nang magtangkang tumakas.  | ulat ni Leo Sarne