PNP Chief, umaasa na maiiwasan ang hazing sa PNPA sa pamamahala ng PNP

Umaasa si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na maiiwasan na ang hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa pamamahala ng PNP.

Ito ang sinabi ni Albayalde pagkatapos na pormal na i-turn over ngayong umaga sa PNP ang PNPA mula sa Philippine Public Safety Colleges.

Ayon sa PNP chief, ngayong may direktang “control and supervision” ang PNP, magiging mas mahigpit na sa mga pribilehiyo at parusa sa mga kadeteng gumagawa ng labag sa batas.

Bagamat aminado si Albayalde na nakaranas siya ng hazing noong panahon niya sa PMA, ang hazing aniya ay ipinagbabawal na ngayon ng batas, kaya kailangan magbago ang kultura ng mga kadete.

Paalala ng PNP chief, ang mga kadete sa PNPA ang mga future leaders ng PNP na magpapatupad ng batas, kaya kailangang matuto silang sumunod dito.

Ang huling insidente ng hazing sa PNPA noong Oktubre 6 ng nakaraang taon ay nagresulta sa pagkakasibak ng tatlong kadete matapos na pilitin ng mga ito ang dalawang nakababatang kadete na mag-oral sex habang pinapanood nila.