PNP Chief, tiwalang mananatiling mapayapa at maayos ang obserbasyon ng Undas

Nagpahayag ng pagtitiwala si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na mananatiling mapayapa at maayos ang obserbasyon ng Undas.

Ito ang inihayag ng PNP chief matapos inspeksyunin ang security preparations ng PNP sa Araneta bus terminal sa Cubao.

Ayon sa PNP chief, so far ay wala pang untoward incident na naiulat sa PNP, maliban sa insidente ng pagkakahuli ng isang pasahero sa Araneta bus terminal kaninang umaga na may dalang 15 bala ng armalite.

Ayon sa PNP chief, ang pagkakahuli sa suspek bago ito sumakay sa bus patungo sa hindi binanggit na lalawigan ay patunay na aktibong nakabantay ang kapulisan para tiyakin ang seguridad ng lahat ng manlalakbay.

Hindi naman iniugnay ni Albayalde ang insidente sa isang posibleng terrorist plot, kasabay ng pagbibigay diin na walang namonitor na security threat ang PNP ngayong Undas.

Muling pinaalalahan ni PNP chief ang mga mamamayan sa mga ipinagbabawal dalhin sa mga pampublikong sasakyan at sa mga sementeryo sa panahong ito upang makaiwas sa abala.

Partikular na ipinagbabawal sa mga sementeryo ang baril, bladed weapons, alak, playing cards at malakas na pagpapatugtog.

Epektibo kaninang umaga ang full alert status ng PNP na tatagal hanggang Lunes para pangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa inaasahang pagdagsa ng mga babalik sa mga siyudad mula sa pagbabakasyon sa mga lalawigan.  | ulat ni Leo Sarne