PNP Chief, tiniyak na hindi bibigyan ng special treatment si Nicanor Faeldon Jr.

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na hindi bibigyan ng special treatment si Nicanor Faeldon Jr., ang anak ni Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon Sr., na nahuli sa drug raid noong nakaraang linggo.

Ayon sa PNP chief, kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng Naga City Police at ito ay pagkakalooban ng due process.

Ito’y matapos na pormal na sampahan ng reklamo ang nakababatang Faeldon dahil umano sa pagmamantine ng drug den.

Tatlo pang kasamahan ni Faeldon na nahuli sa loob ng isang bahay sa Barangay Mabolo, na “identified drug den” ang kasamang kinasuhan.

Bagama’t hindi naman nagpositibo sa ilegal na droga ang batang Faeldon, nakadepende naman sa pasya ng piskalya kung pakikinggan nito o hindi ang isinampang kaso laban dito.

Una nang inamin ni Faeldon na nakatira siya sa naturang bahay na pag-aari ng ama ng kanyang girlfriend, pero hindi umano niya alam ang mga aktibidad ng ibang kasama sa bahay. | ulat ni Leo Sarne