PNP Chief sa Police commanders: Bantayan ang mga fiesta

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang lahat ng Police commanders na bantayang mabuti ang mga fiesta sa kani-kanilang area of responsibility.

Ito’y matapos na ipag-utos ng Pangulong Duterte kagabi sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na siguraduhin na walang magaganap na mass-gathering sa panahon ng kapistahan ngayong buwan.

Sinabi ni Eleazar na bagamat tradisyon ng mga Pilipino na magtipon-tipon at magdiwang sa panahong ito, mahigpit pa rin aniya itong ipinagbabawal hangga’t may banta ng COVID-19.

Sinabi ni Eleazar na makikipag-coordinate ang PNP sa mga LGU at baranggay upang hindi magkaroon ng mga mass gathering na maaring maging “super spreader events,” sa pagkakalat ng COVID-19.

Paalala ni Eleazar, wala nang warning na ibibigay ang mga pulis at aarestuhin agad ang mga violator dahil mahigit isang taon nang umiiral ang quarantine at alam na dapat ng mga tao ang mga susunding minimum health standards.

Gayunpaman, tiniyak ni Eleazar na walang sasaktan, paparusahan, o hihiyain sa mga mahuhuling lumalabag sa health protocols.