PNP Chief sa mga pulis: Bawal mangampanya sa sinumang kandidato

Pinaalalahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang mga pulis, na istriktong ipinagbabawal sa kanila ang pangangampanya sa sinumang kandidato sa eleksyon.

Ang paalala ng PNP chief ay kanyang muling inihayag isang araw bago ang pagsisimula ng campaign period bukas.

Ayon kay Albayalde, pagkasibak sa puwesto ang naghihintay sa sinumang pulis mula sa opisyal hanggang sa pinakamababang ranggo na mapatutunayang papanig sa mga politiko.

Samantala, itinanggi naman ng PNP chief na pangangampanya ang pagbisita ni Secretary Bong Go sa Camp Crame ngayong umaga.

Aniya, kinumbida ng PNP si Go bilang Honorary Chairman ng Chiefs of Police Association of the Philippines at hindi bilang isang kandidato sa pagka-senador.

Sa kanyang pagbisita sa Camp Crame, pinangunahan ni Go ang paglulunsad ng kilusang “Kabataan Kontra Droga at Terrorismo”.   | ulat ni Leo Sarne