PNP Chief sa mga commander: Obserbahan ang mga sintomas ng depression sa kanilang mga tauhan

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mga local Police commanders na obserbahan ang kanilang mga tauhan kung may mga sintomas ng depression o iba pang problema sa kaisipan.

Ito’y kasunod ng tangkang pagpapakamatay ng isang Police trainee mula sa PNP Maritime Group sa Rosario, Cavite kahapon.

Base sa ulat ng Rosario Municipal Police station, nakaranas ng sintomas ng depresyon ang naturang Police trainee bago ito natagpuan ng kanyang mga kasamahan na duguan at walang malay sa rooftop ng kanilang boarding house.

Ginamit umano ng nasabing Police trainee ang baril ng kaniyang Field Training Officer na si P/CMSgt. Erwin Yazar sa pamamaril sa sarili sa ulo.

Ayon kay Eleazar, sa training pa lang ay mahirap na ang pinagdaraanan ng mga pulis, at mas lalo pa kapag sila ay nasa serbisyo.

Kaya kailangan aniya na may regular na neuro-psych test ang mga pulis para masiguro na sila ay mentally at emotionally capable sa kanilang trabaho.