PNP chief, pinatututukan kay PRO 6 Director Binag ang pagpapatupad ng closure order ng Boracay

Pinatututukan ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde kay Police Regional Office 6 Director Cesar Hawthorne Binag ang pagpapatupad ng Boracay closure order na epektibo sa Abril 26.
 
Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na mismong si Binag ang magmamando sa Boracay na 24 hours a day na imu-monitor ang sitwasyon.
 
Sinabi ni Albayalde na mahigit 400 pulis ang idineploy sa Boracay para mapanatili ang peace and order sa lugar.
 
Partikular aniyang binilinan niya ang mga pulis na tiyakin na hindi mabababoy ang mga nakatiwangwang na resort at entertainment facilities sa lugar.
 
Ayon sa PNP chief, may mga contingent din ng Civil Disturbance Management Unit na dineploy sa lugar kung sakaling may mga kilos protesta mula sa mga lokal na residente at negosyante na maapektuhan ng closure order.
 
Dagdag ni Albayalde, maximum tolerance ang ipapairal ng PNP sa mga magpuprotesta sa closure order. | via Leo Sarne