PNP Chief, pinarangalan ang mga nagwagi sa SWAT Challenge ng PNP

Ginawaran ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ng parangal ngayong umaga sa Camp Crame ang mahigit 100 pulis at sundalo na nakilahok sa kauna-unahang SWAT Challenge ng PNP.

Ang team 2 ng Special Action Force ng PNP ang hinirang na overall champion na tumanggap ng medalya, plake ng pagkilala at cash prize na P300,000.

First runner up ang team 1 ng SAF na tumanggap ng P200,000 at 2nd runner up naman ang National Capital Region Police Office Rapid Deployment Company 2 na tumanggap ng P100,000.

Samantala, sa AFP Category, itinanghal na kampeon ang team 2 ng Philippine Air Force.

Isinagawa ang national SWAT Challenge ng PNP noong March 1 hanggang March 3 sa Davao at inorganisa ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) sa pakikipagtulungan sa Philippine Shooters and Match Officers Confederation (PSMOC).

Nilahukan ito ng Command Group, Directorial/Personal Staff, National Support Units, Police Regional Office, at (5) Police Districts ng NCRPO.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dela Rosa na ang SWAT challenge ay naging magandang pagkakataon para ma-improve ang camaraderie at inter-operability ng mga special forces ng PNP at AFP kontra sa terorismo. | via Leo Sarne