PNP Chief, pinarangalan ang ilang matataas na opisyal ng PNP

Pinarangalan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde sa flagraising ceremony ngayong umaga sa Camp Crame ang ilang mga matataas na opisyal ng PNP dahil sa kanilang mahusay na trabaho.

Ang mga awardees ay pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Camilo Pancratius Cascolan na binigyan ng medalya ng ‘Katapatan sa Paglilingkod’ para sa kanyang serbisyo bilang dating direktor ng Directorate for Operations.

Ilan pa sa mga pinarangalan ay sina Director Ericson Velasquez ng Directorate for Police Community Relations at Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Joselito Esquivel.

Kasama din sa mga kinilala si dating Marawi Chief of Police Supt. Edra Moxir na tumanggap ng medalya ng ‘Pambihirang Paglilingkod’.

Kasabay nito, inilunsad din ngayong umaga ang Search for the 10 Outstanding Police Women of the Philippines.

Sinabi ni Albayalde na ang pagkilala sa mga babaeng miyembro ng PNP ay patunay na ang mahusay na pagseserbisyo “knows no boundaries” at ang mga babaeng pulis ay kasing husay din sa trabaho ng kanilang mga lalaking kasamahan. | via Leo Sarne