PNP Chief, nilinaw na hindi ‘nawawala’ ang subsistence allowance ng SAF troopers

Hindi nawawala ang halos P60 milyong pisong subsistence allowance ng mga SAF troopers. Ito ang nilinaw ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa isang ambush interview kagabi bago ang testimonial dinner na ipinagkaloob sa kanya ng mga opisyal ng PNP sa Camp Crame kagabi.

Paliwanag ni Dela Rosa, andun lang ang pondo sa SAF pero ang problema ay hindi lang naibigay sa SAF troopers ang dapat nilang natanggap na subsistence allowance.

Aniya, pinaiimbestigahan na rin niya sa Directorate for Controllership at sa PNP internal Affairs Service ang dahilan kung bakit nagkaganoon.

Ito’y matapos ipasibak sa pwesto ni Dela Rosa si dating SAF Director Benjamin Lusad kasama sina dating PNP-SAF Budget and Fiscal Officer Andre Dizon, Senior Police Officer 2 Maila Bustamante at Senior Police Officer 1 Jack James Irica para bigyang daan ang hiwalay na imbestigasyon ng Ombudsman.

Sinabi ni Dela Rosa na pinanghimasukan na rin niya ang isyu kahit na pababa na siya sa pwesto dahil nangyari ang problema sa kanyang termino.

Bilin naman ng outgoing PNP chief sa mga inatasan niyang mag-imbestiga sa kaso na tiyakin na lumabas ang buong katotohanan. | via Leo Sarne