PNP chief, naniniwalang may power-struggle sa PNP

Naniniwala si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na may power-struggle na nangyayari ngayon sa PNP dahil sa kanyang napipintong pagretiro.

Ayon sa PNP chief, hindi ito ang unang pagkakataon sa PNP na magkaroon ng matinding tunggalian para sa pwesto ng PNP chief.

Sa kabila nito, sinabi ni Albayalde na tiwala siyang buo pa rin ang samahan ng kanyang mga kaklase sa PMA Sinagtala Class of 1986.

Ito’y kahit na may mga ugong-ugong na hindi na nagkakaisa ang kanyang mga kaklase dahil sa politika sa loob ng PNP.

Nabatid na dalawang pangalan ngayon mula sa PMA Class of 1986 ang matunog na papalit kay Albayalde bilang susunod na chief PNP.

Ito ay sina Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Archie Gamboa at Chief Directorial Staff Lt. Gen. Camilo Cascolan.

Una nang sinabi ni Albayalde na maaring may kinalaman sa politika sa loob ng PNP ang kanyang pagkakadawit sa isyu ng ‘ninja cops’.