PNP Chief, nanindigan na hindi back to zero ang imbestigasyon sa Jolo Cathedral bombing 

Nanindigan si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na hindi back to zero ang imbestigasyon sa pambobomba noong Linggo sa Jolo Cathedral.

Ito ang inihayag ng PNP chief matapos na ma-clear bilang persons of interest ang apat na indibiduwal na nakunan sa CCTV sa labas ng simbahan noong maganap ang pambobomba, na sumuko sa PNP kamakalawa.

Meron pa aniyang tinutugis na suspek ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa katauhan ng isang alyas “Kamah” na kilalang miyembro ng Adjang-Adjang group.

Una nang inamin ng PNP na hindi kasama si alyas “Kamah” sa mga nakunan ng CCTV footage.

Pero giit ni Albayalde na matagal nang nagbabanta si “Kamah” na pasasabugan ang katedral mula nang bumalik ito galing Sabah, at malakas ang indikasyon na ang Adjang-Adjang group ng Abu Sayaff ang may kagagawan ng pambobomba.

Tanong ng PNP chief, kung walang kinalaman si “Kamah” bakit siya nanlaban at tumakas nang magsagawa ng hot pursuit operations ang mga awtoridad sa kanyang tahanan sa Barangay Latih, Patikul, Sulu, kung saan napatay pa ang isang Abu Sayyaf Group (ASG) member.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pagtugis ng mga awtoridad kay alyas “Kamah”.  | ulat ni Leo Sarne