PNP Chief, nanawagan sa mga dayuhan na galangin ang lokal na batas

Nananawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa mga dayuhan sa bansa, na galangin ang mga lokal na batas.

Ito ang inihayag ng PNP Chief sa isang interview sa Camp Crame, matapos na parangalan ang pulis na sinabuyan ng taho ng isang Chinese national na pinagbawalang magdala ng likido sa MRT.

Nagpahayag ng paghanga ang PNP Chief kay PO1 William Cristobal, na nagpamalas ng propesyonalismo at pagtitimpi sa kabila ng pambabastos sa kanya ng Chinese national.

Ang Chinese national na si Jiale Zhang ay sinampahan na ng kasong unjust vexation, assault at disobedience to agent or person in authority sa Mandaluyong City Prosecutors Office kaugnay ng insidente.

Ayon sa PNP chief, hindi mangingimi ang PNP na ipatupad ang buong pwersa ng batas laban sa mga dayuhan na lumalabag sa mga lokal na batas.

Paliwanag ng PNP chief, ang mga Pilipinong nasa abroad ay sumusunod sa batas sa mga bansang kinaroroonan nila, kaya dapat din itong gawin ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Giit ng PNP chief, ang pagbabawal sa mga likido sa MRT ay walang pinagkaiba sa pagbabawal nito sa mga airport, na bahagi ng security measures kontra terorismo, kaya walang dahilan para hindi sumunod ang sinuman dito. | ulat ni Leo Sarne