PNP Chief, nanawagan sa Kongreso para sa pondo na pambili ng 30,000 body camera

Nanawagan sa Kongreso si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na pondohan ang pangangailangan ng PNP para sa mahigit 30,000 body camera.

Ayon sa PNP chief, kailangan ng PNP ng karagdagan pang 32,136 body cameras para sa lahat ng support units ng PNP, pero wala silang pondo para dito.

Pandagdag ito sa unang 2,696 body cameras na ipinamahagi na sa iba’t ibang himpilan ng pulis sa buong bansa.

Una nang sinabi ng heneral na ang mga istasyon sa mga syudad muna ang binigyan ng tig-16 na body camera.

Walo aniya ang para sa regular na nagpapatrolya, at walo ang nakareserba para sa mga special operations.

Sinabi ni Eleazar na sa pamamagitan ng mga body camera ay umaasa siya na mapapawi na ang pagdududa ng publiko sa mga operasyon ng mga pulis kung saan namamatay sa pakikipaglaban sa mga pulis ang mga suspek.