PNP Chief, nanawagan sa Kongreso na magpasa ng batas sa pagsasapubliko ng police videos

Nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde sa Kongreso na bumuo ng batas na magri-regulate sa pagsasapubliko ng police videos ng mga anti-crime operations.

Ayon sa PNP chief, nakikiisa ang PNP sa pagnanais ng publiko na maging mas transparent ang mga pulis sa kanilang mga operasyon pero kailangang ikunsidera din ang seguridad ng mga operatiba sa pagsasapubliko ng police videos.

Hindi naman tutol si PNP chief na makunan ng video ang mga police operation, pero aniya ang primary purpose nito ay para sa ‘departmental use’  upang ma-evaluate ng mga police commander kung sumunod sa mga operational procedure ang kanilang mga tauhan.

Hindi naman aniya pwedeng isapubliko na lang ng basta-basta ang mga kuhang ito dahil maaaring malagay sa peligro ang mga operatiba na sumabak sa mga sindikato ng droga.

Dapat aniya ay may legislation na sasaklaw dito dahil nagkaroon na rin ng problema dito ang police forces ng ibang bansa.

Gayunpaman sinabi ni Albayalde na tuloy ang pagkuha ng PNP ng body cameras at maaaring sa third o fourth quarter ng taon masimulan ang bidding.

Prayoridad aniya nilang mabigyan ng body cameras ang mga drug enforcement unit, mga special unit, RPSB or mobile
forces na nagsasagawa ng ‘oplan sita’ at pinakahuli
 ay mga nagbi-beat patrol. | ulat ni Leo Sarne