PNP chief, nanawagan sa CHR na tumulong na solusyunan ang problema ng congestion sa mga piitan

Nanawagan si Philippine Natoonal Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa Commission on Human Rights na tumulong para solusyunan ang problema sa overcrowding ng mga piitan.

Welcome aniya ang CHR na magsagawa ng inspections sa lahat ng mga detention facilities ng PNP sa buong bansa para makita nila ang sitwasyon ng mga preso doon.

Baka sakali aniya na ang kanilang report ay makatulong na magkumbinsi sa mga concerned local government unit na maglaan ng lote para pagtayuan ng mga bagong kulungan.

Paliwanag ng PNP chief, may pondo naman ang PNP para sa pagpapatayo ng bagong jail facilities pero ang lupa na pagtatayuan ang kanilang problema.

Hindi naman kasi aniya pag-aari ng PNP ang lupa na kinalalagyan ng kanilang mga istasyon, bagkus ay provided lang ito ng LGUs.

Hindi rin aniya pwedeng maglagay ng karagdagang jail facilities sa kasalukuyang mga kinalalagyan ng mga istasyon ng pulis dahil wala na ring espasyo.

Muli na namang lumutang ang problema sa overcrowding ng mga piitan ng PNP matapos mamatay ang isang inmate ng QCPD Station 4 na si Genesis Argoncillo nito lang June 19, dahil umano sa sobrang congested na piitan. | ulat ni Leo Sarne