PNP Chief, nagpasalamat sa Korean ambassador sa 120 forensic kits na donasyon ng Korea sa PNP

Nagpasalamat si Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde kay Korean Ambassador to the Philippines Han Dong-Man sa donasyon ng Korea sa PNP na 120 forensic kits.

Ang pasasalamat ni Albayalde ay kanyang inihayag sa turnover ceremony para sa naturang kagamitan ngayong umaga sa Camp Crame kung saan panauhing pandangal ang embahador.

Ayon sa PNP chief, ang naturang mga forensic kits, ay malaking tulong sa pangangalap, pag-preserve, pag-protekta at pag-analisa ng ebidensya, na makakapagpahusay sa paglutas ng krimen ng PNP.

Ang mga forensic kits ay bahagi ng kabuuang $6.6 na milyong dolyar na donasyon ng Korea sa PNP sa proyektong “enhancing the criminal investigation Capability of the PNP” na pinondohan ng grant mula sa Korean International Cooperation Agency.

Kabilang sa proyekto ang una nang idinonate ng Korea na 130 patrol cars na kinabibilangan ng 49 na Hyundai Elantra at 81 Starex utility vans na na-turn over sa PNP noong May 29, 2018. | ulat ni Leo Sarne