PNP Chief, nagpasalamat sa kooperasyon ng publiko sa matiwasay na paggunita ng Semana Santa

Nagpasalamat si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa publiko sa kanilang kooperasyon sa PNP na nagresulta sa matiwasay na paggunita ng Semana Santa.

Ito ang inihayag ni PNP Chief sa isang press conference sa Camp Crame, kung saan kanyang inanunsyo na generally peaceful ang nakalipas na Holy Week break.

Bukod aniya sa isolated incidents ng pagkalunod, sea mishaps, vehicular accidents, at ilang mga engkwentro ay walang seryosong insidente na nakaapekto sa peace and order at internal security.

Pinakamarami ang mga naitalang insidente ng pagkalunod kung saan 39 ang drowning incidents. Sampung insidente ang iniulat sa CALABARZON, 9 sa Central Luzon, 8 sa Cagayan Valley Region, 5 sa Bicol, 2 sa Davao at tig-isang insidente sa Ilocos-Pangasinan Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao and Caraga Region.

Sampu naman ang naitalang vehicular accidents kung saan 4 ang sa Central Luzon, 2 sa Bicol at tig-isang insidente sa Cordillera, Caraga at Cagayan Valley region.

Habang 16 ang naitalang engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng pamahalaan at mga threat groups at criminal element. | via Leo Sarne